Ni: Franco G. Regala

CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Anim na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakabase sa Pampanga ang inaresto ng pulisya sa Barangay Del Pilar sa San Fernando City, iniulat ng Police Regional Office (PRO)-3 kahapon.

Ayon sa naunang mga report na nakarating kay PRO-3 Director Chief Supt. Aaron N. Aquino, nagkasa ang pinagsama-samang mga operatiba ng Pampanga Police-Provincial Intelligence Branch, City of San Fernando Police, Provincial Public Safety Company, at Regional Intelligence Division 3, ng operasyon matapos makumpirma ang kasong robbery extortion na isinampa ni Ladislao del Rosario, negosyante, ng Bgy. Del Pilar, laban sa anim na hinihinalang miyembro ng NPA.

Inihayag sa imbestigasyon na iniulat ni del Rosario ang nasabing insidente sa pulisya, na nagresulta sa pag-aresto sa mga suspek.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Lima sa mga suspek ang kinilalang sina Leonides Legazpi Ramos, 40; Jobeth Mendoza Caranza, 27; Darwin Dungao Santiago, alyas “Ka Darwin’’, 36; Roderick Bobot Laxamana, 42; Alex Saddi Guevarra, 38, pawang taga-probinsiya.

Nakumpiska ng pulisya mula sa mga suspek ang iba’t ibang klase ng baril, isang granada, limang sachet ng shabu, at dalawang sasakyan mula sa mga suspek.

Nakadetine ang mga suspek sa himpilan ng San Fernando Police at nahaharap sa mga kasong robbery extortion, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, at illegal possession of firearms.