Nina FER TABOY at GENALYN KABILING

Sinabi kahapon si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na nasa Marawi City pa rin ang Abu Sayyaf Group (ASG) leader na si Isnilon Hapilon.

Ayon kay Lorenzana, batay sa impormasyon na nakuha ng militar, nagtatago si Hapilon sa isa sa mga mosque sa siyudad.

“According to our latest info, he’s still inside Marawi. In fact, there is an information we got this morning that he’s hiding in one of the mosques there in Marawi,” sinabi ni Lorenzana sa ‘Mindanao Hour’ briefing sa Malacañang kahapon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Matatandaang sa mga unang araw ng bakbakan ay sa mga mosque rin pumuwesto ang mga sniper ng Maute upang maging ligtas, dahil batay sa umiiral na panuntunan sa digmaan, hindi maaaring idamay sa bakbakan ang anumang sagradong lugar, gaya ng mosque.

Taliwas ito sa naglabasang umano’y intelligence report na nakalabas na sa Marawi ang tinaguriang emir ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Asya.

Sinabi ni Lorenzana na hindi kabilang si Hapilon sa tatlong mandirigmang tumakas sa Marawi at nagtungo sa Basilan mahigit isang linggo na ang nakalipas.

“We also have people watching his arrival in Basilan. There were three fighters from Marawi that arrived in Basilan more than a week ago, but Isnilon was not one of them so we still believe that he is still in Marawi,” anang kalihim.

Nilinaw din ni Lorenzana na ang impormasyon ng militar tungkol sa pananatili ni Hapilon sa Marawi ay nagmula sa mismo sa mga residente.

Pinangunahan ni Hapilon ang Maute Group, ASG, at ang mga dayuhang mandirigma ng ISIS, sa pagkubkob sa Marawi nitong Mayo 23.

Samantala, binanggit naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Eduardo Año na lubhang maliit na lamang ang nasasakupan ng Maute sa Marawi.

Aniya, 10 sniper ng mga terorista ang napatay ng militar sa matagumpay na clearing operations nito.

Kasabay nito, nabawi rin ng militar ang aabot sa 40 gusali, ilang bihag, at matataas na kalibre ng baril mula sa Maute.

Ayon pa kay Lorenzana, sa kabuuan ay nasa 336 na terorista na ang napapatay sa Marawi, at walo pa lamang sa mga ito ang nakukumpirma nilang dayuhan.