Ni: Nonoy E. Lacson
ZAMBOANGA CITY – Iniulat kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) na nasa 94 na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa mga bakbakan simula Enero ngayong taon, 66 ang naaresto, habang 148 armas naman ang narekober mula sa mga bandido.
Sinabi kahapon ni AFP-WestMinCom Commander Lt. Gen. Carlito G. Galvez, Jr. na habang papatapos na ang all-out military campaign ng Joint Task Forces ng AFP-WestMinCom, dalawa pang miyembro ng ASG ang sumuko nitong Huwebes sa Joint Task Force Basilan, sa pamumuno ni Col. Juvymax Uy.
Kinilala ni Galvez ang dalawang sumukong bandido na sina Serham Hasim Akkalun at Hapid Madjakin, kapwa nakabase sa Basilan. Isinuko rin nila sa militar ang isang M1 Garand rifle at isang clip na may apat na rounds ng mga bala.
Sumailalim sina Akkalun at Madjakin sa custodial debriefing ng mga sundalo ng Joint Task Force Basilan bago ilipat sa kustodiya ng pulisya, ayon kay Uy.
Batay sa impormasyon, inamin ni Akkalun na dalawang beses siyang tumakas mula sa Bureau of Jail Management and Penology-Basilan noong Disyembre 13, 2009 at Enero 27, 2015, ayon kay Uy.