WASHINGTON (AFP) – Lumikom ang World Bank ng $500 milyon para pondohan ang rapid response o mabilis na pagtugon sa outbreak ng mga sakit, kabilang ang pagbebenta ng unang “pandemic bonds,” inihayag ng bangko nitong Miyerkules.
Natuto sa mabagal na pagtugon sa Ebola outbreak sa Africa noong 2013 na pumatay ng libu-libo, dinisenyo ng World Bank ang Pandemic Emergency Financing Facility (PEF), para pondohan ang mahihirap na bansang nahaharap sa pandemya.
“We are moving away from the cycle of panic and neglect that has characterized so much of our approach to pandemics,” pahayag ni World Bank Group President Jim Yong Kim.
Ang Germany ang unang nagbigay ng pondong 50 million euros.
Sakop ng PEF ang anim na virus na malaki ang tsansang magdulot ng pandemya, kabilang ang mga responsable sa bagong influenza pandemic virus na A, SARS, MERS, Ebola, Marburg, at iba pa tulad ng Crimean Congo, Rift Valley at Lassa fever.