Ni: Francis T. Wakefield
Sinabi kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na target nilang wakasan ang krisis sa Marawi bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Hulyo 24.
Sa panayam sa kanya sa DZRH, sinabi ni Lorenzana na bagamat karagdagang pressure ito para sa kanila dahil wala nang isang buwan bago ang SONA, determinado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na durugin ang Maute Group sa pinakamadaling panahon.
“Medyo merong pressure dahil alam mo kung nandyan pa rin ‘yung Marawi at nagpapatayan pa rin, eh, parang hindi maganda sa State of the Nation Address ng presidente,” ani Lorenzana.
“Kaya nga ang sabi sa akin ni (AFP chief od staff) Gen. (Eduardo) Año nung tinanong ko last week, eh, sabi niya, ‘Siguro, sir, baka isang linggo na lang ‘yan, baka tapos na ‘yan’. Kaunti na lang kasi ‘yung aming ano diyan,” ani Lorenzana.