Ni: Ric Valmonte

TAMA ang desisyon ng isang ina na hindi na magsampa ng reklamo sa mga pulis nang mabaril ang kanyang baby. Hinamon kasi siya ng hepe ng mga pulis na gumawa ng operasyon laban sa mga drug suspect sa isang lugar sa Pandacan. Isa sa mga ito ang pumasok sa loob ng bahay ng biktima at kinuha ang kanyang baby upang gawing human shield. Dahil ang mga humabol na pulis at ang suspek lamang ang nasa loob ng bahay, walang nakakita kung paano pinatay ang suspek at tamaan ng bala ang baby nang gawing panangga.

Iyong suspek, ayon sa mga pulis, ang nakabaril sa bata, pero ang sabi ng ina, walang dalang baril ang suspek. Kaya, kung may reklamo ang ina laban sa mga pulis, hinamon siya ng hepe na magdemanda.

Bakit nga naman magrereklamo ang ina, eh matutulad lang ito sa kasong isinampa laban kina Supt. Marvin Marcos at 18 pang pulis na inakusahan ng double murder sa pagpatay kina umano’y drug lord Albuera Mayor Rolando Espinosa, Jr. at Raul Yap sa loob ng subprovincial jail sa Baybay, Leyte. Sa report na inilabas ng committee on public order and dangerous drug ni Sen. Lacson, na nag-imbestiga rin sa insidente at kinatigan ng lahat ng mga Senador, ang rekomendasyon nito ay sampahan ng kasong double murder ang mga pulis. Pero, pagkatapos iapela ng mga pulis ang naunang desisyon ng Department of Justice (DoJ) na sinampahan sila ng double murder, kumambiyo ang DoJ at ginawang double homicide. Dahil dito, nakapagpiyansa ang mga pulis.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Walang sapat na ebidensiya na planado ang pagpatay, katwiran ng DoJ. Sabi naman ni Sen. Richard Gordon sa mga reporter: “Dumating ang 250-300 pulis. Gabi nang sirain nila ang kandado ng piitan. May dala silang pekeng search warrant nang pasukin nila ang piitan. Inutusan nila ang mga jail guard na lumuhod na patalikod at nagyari na nga ang mga pagpatay. Ano ang tawag dito? Hindi nila dapat iniinsulto ang taumbayan.” Ayon pa sa kanya, ang ginawa ng DoJ ay nagbibigay ng nakakatakot na mensahe na ang mga pang-aabuso sa ilalim ng kampanya ng gobyerno laban sa droga ay pinahihintulutan.

Ano pa ba ang inaasahang mangyayari, eh inako na nga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang... responsibilidad ng anumang magagawa ng mga pulis sa pagganap nila ng kanilang tungkulin kaugnay ng kanyang kampanya laban sa droga. Sino raw ang kanyang paniniwalaan kundi iyong mga pulis na nasa pinangyarihan. Ang mabigat pang sinabi ng Pangulo ay gawin ng mga pulis ang kanilang trabaho at hatulan sila, gagamitin niya naman ang kanyang kapangyarihan upang patawarin sila.

Sa palagay kaya ninyo, may mangyayari sa demanda ng ina laban sa mga pulis dahil sa pagbaril nila sa baby? Tama na lang na iniluha niya ang nangyari dahil sabi ng Papa ang pag-iyak ay nagpapagaan sa dinadalang problema. Hinuhugasan ng luha ang pusong nasugatan. Hayaan na lang ang katarungan ang gumana sa sariling pamamaraan. May tinatawag na “poetic justice” na kailanman ay hindi malulusutan.