Ni NORA CALDERON

FORTY-SIX years na palang kasal sina Sen. Tito Sotto at Helen Gamboa-Sotto na nabiyayaan ng apat na anak. At hanggang sa ngayon, wala tayong maririnig na balitang nag-away sila o shaky ang pagsasama nila.

Sa grand launch ng cooking show na From Helen’s Kitchen ng Colours on Cignal TV, sinagot lahat ni Helen ang mga tanong tungkol sa kaalaman niya sa pagluluto, ang pagtawag sa kanya na Queen of the Kitchen ng kanyang pamilya at mga kaibigan na nakakatikim ng kanyang masasarap na luto, at pati na personal life niya with her husband at mga anak nila.

Helen Gamboa-Sotto - From The Kitchen copy copy

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Hindi nagdalawang-isip si Helen nang i-offer sa kanya ni Direk Perci Intalan ang cooking show, dahil mahal talaga niya ang pagluluto ng mga putahe na minana pa niya mula sa kanyang mama noong nabubuhay pa ito.

“I love cooking at mas maganda na pumayag silang doon ako mag-taping sa mismong kitchen ko sa bahay,” kuwento ni Helen. “Hands-on ako sa lahat ng mga recipes na ginagamit ko at bagay sa aking special guests. Hindi kami basta lamang nagluluto, may chikahan din kami at nang guest ko si Maricel (Soriano) nag-request pa siyang kantahin ko iyong La Vie En Rose na narinig daw niyang kinanta ni Ciara.”

Kuwento naman ni Direk Perci, kapag hindi natuloy ang kinukuha nilang guest, pinapalitan ni Helen ang iluluto nila kapag may nakuha nang bagong guest.

Bago nagsimula ang press launch, may mga bumati muna kay Helen. Sino pa nga ba kundi ang Dabarkads ng Eat Bulaga na madalas niyang pinadadalhan ng pagkain na may kani-kaniyang pangalan, pati na si Bibeth Orteza na siyang director ng From Helen’s Kitchen.

Kuwento ni Helen, paborito ng Dabarkads ang kanyang famous Tinapa Rice at chicharon na ipinadadala niyang nakalagay sa isang malaking bilao sa Broadway studio. Sa susunod na season, ipapakita niya sa show ang pagluluto niya ng chicharon at Tinapa Rice.

Matagal-tagal ding hindi napanood si Helen sa mga serye sa GMA at ABS-CBN. May gagawin sana siyang soap noon sa GMA, pero nag-beg-off siya.

“Nagkaroon kasi ako ng slipped disk, kaya nagpahinga muna ako. I’m alright now, p’wede pa rin naman akong sumayaw, pero hindi na p’wedeng mag-bang-shang-a-lang,” natatawang kuwento ni Helen na nakilala noong early 70s sa pamamagitan ng sayaw na ito. “Tuloy pa rin ang therapy at exercise ko. Nag-start na rin akong mag-taping ng soap ko with Marian Rivera-Dantes, ang The Good Teacher at may cut-off ako ng 12:00 midnight sa taping.”

Natanong din si Helen kung ano ang sekreto sa strong relationship nila ni Sen. Tito.

“Siguro iyong love namin for each other, sa mga things we do together, like ang hilig namin sa music. Saka nakita ko na mas mahal niya ako talaga, he adores me, he loves me. Hanggang ngayon nililigawan pa rin niya ako, lagi akong may flowers, mga sweet notes na iniiwanan niya kung saang-saang lugar sa bedroom namin. Mabait siya, hindi ko naman sinasabing santo siya, pero mahal niya ako talaga.”

May isa ngang tanong kay Helen tungkol sa work ni Sen. Tito, wala raw siyang alam sa mga ganoon, hindi na raw iyon sinasabi sa kanya, para hindi siya mag-isip at magkaroon talaga ng harmony sa bahay nila, hindi siya binibigyan nito ng reason na sumama ang loob niya.

Ang From Helen’s Kitchen ay mapapanood na simula sa July 1 (Sabado), 8:00–9:00 PM sa Colours on Cignal TV. Tapos na ni Helen ang first season ng show at sina Maricel Soriano, Carmina Villaroel, Eric Quizon, Pops Fernandez, Albert Martinez, Raymart Santiago, Ruby Rodriguez, Gladys Reyes, Donita Rose, Pauleen Luna-Sotto ang guests niya. After nilang magluto, may ‘pabaon’ si Helen ng niluto niya sa guests.