Nina BELLA GAMOTEA at JEL SANTOS, May ulat nina Aaron B. Recuenco at Francis T. Wakefield

Pinaiimbestigahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Northern Police District (NPD) ang pagkalat sa social media ng isang memorandum tungkol sa umano’y planong pag-atake ng Maute Group sa ilang lugar sa Metro Manila.

Lunes ng gabi nang iutos ni NCRPO Director Oscar Albayalde kay NPD director, Chief Supt. Roberto Fajardo, na siyasatin ang kumalat na memo mula sa Station Intelligence Branch (SIB) ng Valenzuela City Police.

Nilinaw naman ni Fajardo na hindi pa beripikado ang nasabing impormasyon at kailangan pang i-validate.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinumpirma rin ni Fajardo na sinibak na niya sa puwesto si Chief Insp. Jowi Louie Bilaro bilang hepe ng Valenzuela City Police SIB.

“I ordered his relief. He signed the memorandum that went viral on social media about alleged terror attacks at certain parts of the metropolis. He is accountable for such,” paliwanag ni Fajardo.

May petsang Hunyo 16, nakasaad sa memo na mabilis na kumalat sa social media na plano ng Maute Group, sa pamumuno nina Mambang Maute, Abu Hidaya Maute, Tony Buhisan ng Tandang Marang, Valenzuela City; Gareb Santos, na taga-Taguig; Abu Bakar Alyankana, at 10 iba pa “were planning to conduct bombings” sa dalawang mall sa Quezon City, sa isang lugar sa Makati at sa dalawang lugar sa Maynila.

Kaugnay nito, umapela si Fajardo sa publiko: “I am appealing to the public to stop sharing the memo. Let’s not create panic and confusion. The information is negative.”

Ito rin ang panawagan ni Albayalde sa publiko, dahil nagdudulot lamang umano ito ng takot sa publiko.

“Related to the content, we assure the public that we do not take for granted any information reported to us. We process every information received and task our police on the ground to validate all these so that we will be able to address any threat immediately and appropriately,” pahayag ng NCRPO chief.

Samantala, sinabi rin kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na walang namo-monitor ang militar na intelligence information tungkol sa anumang pag-atake ng Maute sa Metro Manila.

“So far (there) is none,” sabi ni Padilla.”The PNP should clarify the memo.”