PARIS (AP) — Sa kanyang unang tapak sa Roland Garros, walang pumapansin kay Jelena Ostapenko. Sa huling sigwa ng laban, usap-usapan ang ipinagmamalaki ng Latvia.

Jelena Ostapenko (AP Photo/Christophe Ena)
Jelena Ostapenko (AP Photo/Christophe Ena)
Sa edad na 20-anyos, at ranked No.40, naitala ni Ostapenko ang bagong kasaysayan sa mundo ng tennis nang gapiin ang liyamado at beteranong No.3 Simona Halep, 4-6, 6-4, 6-3, para makopo ang French Open at tanghaling pinakabatang babae na nagwagi sa event sa nakalipas na apat na dekada.

“Before the match, 5-10 minutes, I was a little bit nervous,” pahayag ni Ostapenko, unang Latvian na nagwagi ng major tennis title. “But then, when I went on court, I felt quite free.”

Nakapanghihinayang naman para kay Halep, 25-anyos mula sa Romania at 2014 French Open runner-up, ang kabiguan dahil nakataya sa laban ang kanyang pagiging No.1 sa Tour.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“I felt a little bit nervous,” pahayag ni Ostapenko, unang babae na nagwagi ng French Open matapos matalo sa first set mula nang magawa ni Jennifer Capriati noong 2001. Siya rin ang pinakabatang nanalo sa Grand Slam event mula nang manalo si Maria Sharapova sa 2006 US Open sa edad na 19.

“But then I felt: ‘I have nothing to lose, so I’m just going to enjoy the match and do my best.’”

Ito ang ikawalong Grand Slam tournament ni Ostapenko, ngunit unang pagkakataon na makalagpas sa third round. Hindi siya matikas sa clay court dahil mas paborito niyang maglaro sa grass court patunay ang pagiging Wimbledon junior champion niya noong 2014.

“Everybody knows she can play very good, but I think nobody expected (her) to (do) what she did,” pahayag ni Anabel Medina Garrigues, coach ni Ostapenko.