040617_Paul_Alvarez_Cruz-002 copy

Muling nalagay sa balag na alanganin si dating Philippine Basketball Association (PBA) superstar Paul “Bong” Alvarez makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) habang nagpa-pot session sa loob ng isang barber shop sa Sikatuna Village, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Sa report na isinumite kay QCPD director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, bukod kay Alvarez, inaresto rin habang bumabatak sina Mohammad Dana, 29, safety marshal at dating commercial model, tubong Abra, at kasalukuyang nakatira sa No. 14-E, Maamo Street, Barangay Sikatuna Village, Quezon City, at Ray Allan Cruz, 36, driver, at pansamantalang nanunuluyan sa No. 3 Anonas Extension corner V. Luna Avenue Extension, Bgy. Sikatuna Village, Quezon City.

Sinabi ni Eleazar na inaresto ang tatlong suspek sa loob ng Friend Estima Barber Shop na matatagpuan sa kahabaan ng Anonas Extension corner V. Luna Extension, Bgy. Sikatuna Village, Quezon City, dakong 8:10 ng gabi.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Una rito, namataan si Alvarez sa nasabing barber shop. Bilang aksiyon sa natanggap na impormasyon, agad nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng QCPD, sa pangunguna ni Police Inspector Danilo M. Songalia, at kinumpirma.

Ayon kay Eleazar, nagtungo ang DSOU operatives sa barber shop upang hainan ng arrest warrant si Alvarez para sa kasong slight physical injuries.

Gayunman, sa kasagsagan ng operasyon, sinabi ni Eleazar na nahuli sa akto si Alvarez na bumabatak kasama ang dalawa pang inaresto.

Nakipagtulungan ang DSOU operatives, ayon kay Eleazar, sa mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit na tumulong sa pagkumpiska sa mga ilegal na droga at drug paraphernalia.

Kabilang sa mga nakuha ay ang limang pakete ng hinihinalang shabu, dalawang piraso ng aluminum foil strips na may bakas ng hinihinalang shabu at limang pirasong nirolyong aluminum foil strips na may bakas ng hinihinalang shabu.

Agad dinala ang tatlo sa Camp Karingal at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Sections 11, 12 at 13 ng Republic Act 9165. (Francis T. Wakefield at Jun Fabon)