2 copy copy

Panalangin at suporta, bumuhos para kay Olympian Ian Lariba.

“There’s another work for miracle and that is hard work.”

Ito ang makahulugang mensahe sa post ni Ian ‘Yan-Yan’ Lariba sa kanyang Facebook account. Dalawang buwan ang nakalipas, tila nagbiro ang tadhana dahil literal na kailangan ngayon ng table tennis Rio Olympian ang panalangin at himala sa kanyang bagong laban sa buhay – ang sakit na leukemia.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bumuhos ang suporta, tulong at panalangin mula sa mga kaibigan, kaanak at nitizen sa social media matapos i-post ng De La Salle University ang #KayaMoYan nitong Lunes kasabay sa inilabas na opisyal na pahayag sa kalagayan ng La Salle alumnus at UAAP athletes of the year.

“DLSU alumna and Philippine Olympian Ian Lariba was recently diagnoses with Acute Myeloid Leukemia (AML), her family announced on May 29. She will undergo treatment this week,” pahayag ng La Salle’s Office of Sports Development.

Sumailalim sa serye ng blood test si Lariba, tanging Pinay na nakalaro sa table tennis ng Olympics sa nakalipas na taon, matapos isugod sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City dulot nang pagkahilo habang nag-eensayo nitong Huwebes.

Nakatakda sanang umalis nitong Sabado patungong Germany ang 22-anyos na si Lariba para sumabak sa World Championship.

“Okey naman. Maayos yung ensayo nila, tapos bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo kaya pinagpahinga muna namin. Later, we decided to bring her to hospital,” pahayag ni Philippine Table Tennis Federation president Ting Ledesma.

Una nilang dinala si Lariba sa Seventh Day Adventist Hospital bago nagdesisyon na ilipat sa St. Luke’s.

Ikinabigla at ikinalungkot ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang kaganapan at hiniling ang panalangin para sa mabilis nitong paggaling.

“Walang pinipili ang sakit. Hindi mo iisipin na ang isang malusog na atleta na tulad ni Lariba ay magkakaroon ng ganyang sakit. Magdasal tayo for her speedy recovery. Mahusay na bata at kailangan siya ng Philippine Team,” aniya.

Sinabi ni Ramirez na inatasan na niya ang NSA Affair Office para makipag-coordinate sa pamilya ni Lariba at sa La Salle para maiparating ang tulong na kinakailangan sa mas mabilis na paraan.

Sa ngayon, patuloy ang panawagan para sa donasyon na dugo (Type O) kay Lariba, UAAP Athlete of the Year sa Season 77 at 78, at Most Valuable Player sa Season 75, 77, at 78. (Edwin Rollon)