BIHIRA ang natitiyak kong hindi naniniwala na patuloy ang pag-ilap ng katahimikan kung patuloy din ang walang puknat na patayan ng mga rebelde at ng mga tropa ng gobyerno. Halos araw-araw, ginugulantang tayo ng malagim na sagupaan hindi lamang ng mga teroristang New People’s Army (NPA) kundi maging ng nakakikilabot na Abu Sayyaf Group (ASG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Maute Group at iba pa.

Isipin na ang mga nagiging biktima ay hindi mga dayuhang Intsik, Kano, Ruso at iba pang lahi kundi ang ating mga kapwa Pilipino; dumadanak ang dugo ng ating mga kalahi hindi lamang dahil sa pagtatanggol ng kani-kanilang ideolohiya kundi sa pagkakamal ng limpak-limpak na ransom money at sa tandisang pamiminsala ng mga buhay at ari-arian.

Mismong si Pangulong Duterte ang tahasang nagbabala na hindi niya lalagdaan ang anumang peace agreement sa pagitan ng mga rebelde at ng ating pamahalaan kung wala siyang nababanaagang katahimikan. Nakatuon ang pansin ng Pangulo sa kasalukuyang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) na kasalukuyang isinasagawa sa The Netherlands.

Naniniwala ako na ibabasura ng Pangulo ang anumang peace agreement kung ang NPA, ang armadong grupo ng mga komunista, ay hindi titigil sa pagpaslang ng government forces. Kailangan niyang pangalagaan ang ating mga sundalo at pulis bilang commander-in-chief ng mga ito. Maliwanag na hindi lamang siya nababagalan sa peace talks kundi waring napapansin pa niya ang kawalan ng interes ng mismong grupo ng mga rebelde.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kamakailan lamang, mismong si Jose Ma. Sison, ang haligi at tagapagtatag ng CPP, ang tandisang nagpahiwatig na mistulang nakatali ang kanyang mga kamay sa pagpapatigil sa pananalakay, pagpaslang at pagkidnap ng NPA rebels; wala umano siyang kapangyarihan na hikayatin man lamang ang mga terorista na manahimik muna sa paghahasik ng karahasan; na igalang ang isinusulong na peace process. Masasabi kaya na walang katuturan ang kanyang pagiging CPP founder? Hindi kaya ito hudyat ng kawalan ng interes ng... nasabing mga rebelde sa pagtatamo ng tunay na kapayapaan?

Ang gayong isip-kriminal ng mga rebelde — ng NPA, ASG, BIFF at iba pa — ay hindi kaya isang paghamon sa Pangulo upang gamitin niya ang naiibang kamay na bakal? Minsang sinabi ng Pangulo: “I warned them not to force me to declare martial law because if I do, I will solve not only the rebellion but everything that ails Mindanao including problems on land boundaries.” Sa gayon, hindi magiging imposible ang katahimikan. (Celo Lagmay)