Maaaring humingi ng saklolo ang mga biktima ng bullying, o kahit ang kanilang mga magulang, sa pulisya laban sa mga sisiga-siga sa eskuwelahan.

Gayunman, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na maaari lamang tumulong ang pulisya sa paghahain ng reklamo sa pamunuan ng paaralan o sa Department of Education (DepEd) dahil maselan ang usapin.

“We have the WCPC (Women and Children Protection Center) if it involves children. We could provide assistance to the parents in lodging complaint before the school,” sabi ni Albayalde.

Paliwanag niya, hindi maaaring basta makialam ang pulisya sa usapin kung kapwa menor de edad ang mga biktima at ang bully, o kung ang pambu-bully ay nangyari sa loob ng paaralan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Wala rin aniyang parusa sa mga bully na nang-aapi o nananakit ng kanilang kaklase sa loob ng eskuwelahan dahil sadyang sensitibo ang usapin.

Inamin din ni Albayalde na mismong ang bunso niyang anak na babae ay nabiktima ng kaklase nitong bully sa isang paaralan sa Central Luzon, ngunit ang tanging nagawa nila ay iparating sa principal ang tungkol sa bullying.

Ang solusyon? Inilipat ng section ang nam-bully sa anak ni Albayalde.

Bukod sa principal, maaari ring tumulong ang pulisya sa paghahain ng reklamo ng bullying sa DepEd upang maobliga ang pamunuan ng paaralan na aksiyunan ang problema, ayon kay Albayalde. - Aaron B. Recuenco