Dahil sa matagal na pagkakabinbin sa Office of the Ombudsman, ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong graft laban kay dating Government Corporate Counsel Agnes Devanadera kaugnay sa pinasok na compromise agreement ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) sa isang British lending firm para mabayaran ang P6 bilyon pagkakautang noong 2006.
Sa 12-pahinang resolusyon, inaprubahan ng First Division ng anti-graft court ang urgent motion ni Devanadera na ibasura ang kaso laban sa kanya matapos ibasura ng hukuman ang mga kaso laban sa 12 dating opisyal ng PNCC na pawang akusado rin sa usapin.
Bukod dito, idinahilan din ng korte ang lagpas anim na taon na pagkakabinbin sa preliminary investigation ng Ombudsman kaugnay sa kaso.
Kinasuhan si Devanadera ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng pakikipagkasundo nito sa lending firm na Radstock Securities Inc. kahit nadedehado ang pamahalaan sa usapin.
Ayon sa kasong inihain ng Ombudsman, bilang Solicitor General ay pinayuhan ni Devanadera ang PNCC na makipagkasundo sa nasabing lending company upang bayaran ang mahigit P2 bilyong utang ng ahensiya na ginarintiyahan ng government-owned-and –controlled corporation, 26 taon na ang nakararaan. (Rommel P. Tabbad)