Magkasabay inaresto ng mga pulis ang dalawang lalaking nagsusugal, na shabu ang pustahan, sa Barangay San Miguel, Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal gambling) at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na sina Bobby Ramos, 46, at Antonio Macasinag, 29, kapwa ng Market Avenue Tambakan, Purok 5 sa Bgy. San Miguel.

Sa ulat nina P01 Dionie Besagre at P01 Arlon Hernandez, bandang 6:00 ng gabi inaresto ang mga suspek sa Tambakan.

Una rito, nakatanggap ng tawag ang awtoridad mula sa isang “Danny” at inireklamo ang paglalaro ng cara y cruz ng limang lalaki sa kanilang lugar.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Agad nagkasa ng operasyon ang awtoridad, ngunit nang makarating na sa nabanggit na barangay ay nakatunog umano ang mga nagsusugal at nagtakbuhan sa magkakaibang direksiyon.

Tatlo sa mga suspek ang nakatakas habang nakorner ng mga pulis sina Ramos at Macasinag at dinala sa presinto.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong barya at dalawang pakete ng hinihinalang shabu na ginamit umanong pantaya.

(Mary Ann Santiago)