BRASILIA (AFP) – Idineklara ng gobyerno ng Brazil nitong Huwebes ang pagwawakas ng national emergency kaugnay sa Zika virus na nasuri sa bansa noong 2015 at ikinabahala ng buong daigdig.
Inimpormahan ng Brazil ang World Health Organization, binanggit ang pagbaba ng mga kaso ng Zika at microcephaly sa buong bansa.
Sinabi ng health ministry na mula Enero hanggang Abril ngayong taon ay mayroon na lamang 7,911 kaso ng Zika, bumaba ng 95.3 porsiyento mula sa parehong panahon noong 2016 nang umabot sa 170,535 ang mga kaso.
Nobyembre 2016 nang alisin ng WHO ang international health emergency status para sa Zika, na maaaring maging dahilan ng pagsilang ng mga batang may microcephaly o may maliit na ulo.