URDANETA CITY, Pangasinan - Patay ang tatlong teenager makaraan silang masagasaan ng isang Isuzu Forward truck sa Manila North Road, Zone 7, sa Barangay Nacayasan, Urdaneta City, Pangasinan.

Batay sa ulat kahapon ng Pangasinan Police Provincial Office, nasawi sina Wendel James Sison, 16; John Paul Rimas, 17; at Ian Angelo Bagnas, 17, pawang residente ng Urdaneta.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 11:59 ng gabi nitong Biyernes nang sumemplang ang motorsiklong sinasakyan ng tatlong binatilyo makaraang umiwas sa isa pang motorsiklo, na minamaneho ni Joel Apongol, angkas sina Janice Apongol, 33; at Precious Joy Apongol, limang taong gulang.

Sinabi ng pulisya na inararo ng paparating na Isuzu Forward truck na minamaneho ni Edson Piano, 55, ng Alcala, ang tatlong sumemplang sa motorsiklo.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Dead on arrival sa Urdaneta District Hospital ang tatlong teenager.

Isinugod din sa ospital ang mag-anak na Apongol dahil sa mga natamong sugat.

Sumuko naman sa pulisya si Piano, na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide.

(Liezle Basa Iñigo)