Napuno sa paulit-ulit na drug session sa loob ng kanilang bahay, isang 30-anyos na babae ang nag-tip sa mga pulis sa nagaganap na pot session sa kanilang tahanan na naging sanhi ng pagkakaaresto ng kanyang kapatid at isa pang kasama sa Makati City kamakalawa.

Kinilala ni Senior Superintendent Dionisio Bartolome, hepe ng Makati police, ang mga inaresto na sina Joebet Tagao, 32, ng No. 6935 Mileguas Street, Barangay Guadalupe Viejo, Makati; at Corwen Birung, 39, ng Bangkal St., Weadow Wood Village, Bacoor, Cavite.

Inaresto sina Tagao at Birung ng mga tauhan ng Makati Police Community Precinct (PCP)-6, bandang 9:00 ng gabi, matapos isumbong ng kapatid ni Tagao, si Jessa, ang nagaganap na pot session sa loob ng kanilang bahay.

Nahuli sa aktong bumabatak ng shabu sina Tagao at Birung sa loob ng kuwarto ng una, dagdag ni Bartolome.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sinabi ni Jessa na makailang beses na niyang pinaalalahanan ang kapatid na huwag gawing drug den ang kanilang bahay dahil sa takot niyang sila ay mapatay kapag nahuli sila ng mga pulis.

Gayunman, sinuway ni Tagao ang kanyang kapatid at dinala pa rin ang kanyang kaibigan, si Birung, sa kanilang bahay tuwing magsa-shabu. Naubos na umano ang pasensiya ni Jessa kaya nagdesisyon na siyang isumbong ang kapatid.

Dalawang pakete ng hinihinalang shabu, aluminum foil na may bakas ng hinihinalang shabu, at improvised burner at dalawang lighter ang nakumpiska sa mga suspek.

Dinala sina Tagao at Birung sa Makati City Jail habang hinihintay ang inquest proceedings. Nakatakda silang sampahan ng kasong paggamit ng ilegal na droga na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Martin Sadongdong at Bella Gamotea