ramirez copy

‘Panalo ang atletang Pinoy’ – Ramirez.

WALANG bentahan na magaganap sa Rizal Memorial Sports Complex (RSMC).

Ito ang katiyakan na matagal nang hinihintay ng atletang Pinoy matapos opisyal na ideklara ang pamosong sports venue sa pusod ng Maynila bilang isang National Historical Landmark.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nakasaad sa batas ang pagbabawal sa pagbebenta ng isang lugar na isang ‘Historical Landmark’.

Opisyal na idineklara ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang RSMC sa bisa ng Republic Acts 10066 at 10086.

Sa Resolution No. 5 ng NCHP na nilagdaan ni chairman Rene R. Escalante, apat na ex-officio member at isang miyembro, kinilala ang RSMC ‘an important Cultural Property because of its historical significance’.

Nakasaad din sa resolution ang pagkilala sa kontribusyon ng RSMC sa paglago ng sports sa bansa sa mahabang panahon, gayundin sa pagiging premyadong lugar para maisagawa ang malawakang pagtitipon maging sa sports, entertainment, social at religious group.

Ayon sa NHCP, ang pagmamahal ng sambayanan sa sports ang nagtulak sa mga lider ng sinaunang panahon para itayo ang natutang Sports Complex na pinatibay na pagkakaisa at tagumpay sa hindi na mabilang na pagkakataon mula sa SEA Games, Asian Games, World Championship at iba pang international championship.

Nakaukit sa haligi ng baseball field ang mga pangalan ng sikat na Pinoy at International player, kabilang na ang baseball legend na si Babe Ruth, na nakagawa ng makasaysayang ‘home run’ sa itinuturing ‘Fields of Dream’ ng mga Pinoy batters.

Nakasaad sa Section 5 ng RA 10066 na ang lahat ng pag-aari na idineklarang ‘important cultural property’ ng NHCP ay ligtas sa anumang uri ng pagsira, pagsasaayos ng walang kadahilan at pagbebenta.

Ikinatuwa ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pangunguna ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang naging hakbang at desisyon ng NHCP board na isinulong nitong Marso 27.

Ipinahatid ni Ramirez ang pagsang-ayon ng ahensiya sa desisyon ng NHCP sa opisyal na sulat na ipinadala kay National Museum of the Philippines Director IV Jeremy Barns.

“We appreciate with thanks the passing of the said declaration after due deliberation of the National Museum panel of experts. It is with great joy that we accept the recognition,” pahayag ni Ramirez.

“Rest assured of our commitment to protect, preserve and conserve these historical structures considered as cultural heritage which will serve as inspiration and pride of today’s Filipino youth and the future generation,” aniya.

Naging sentro ng usapin ang RSMC nang ipahayag ni Manila Mayor Joseph Estrada ang plano na ibenta ang naturang lugar upang gawing ultra-modern commercial and residential center.

“Wala nang gumagamit. Wala nang kinikita. Luma na lahat. Paano pa mapapakinabangan ng city? Wala na, antiquated na ang Rizal (Memorial Sports Complex),” naipahayag ni Estrada sa mga naunang panayam.

Ipinapalagay na maibebenta ang naturang sports complex sa halagang P10 bilyon. (Dennis Principe)