TOTOONG nagkakaproblema tayo sa inaangkin nating mga teritoryo sa South China Sea, sa kanluran ng Pilipinas, ngunit kasabay nito ay naghuhumiyaw naman ang bentahe natin sa karagatan sa silangan ng ating bansa — ang Benham Rise — lalo na at sinasabing mayaman sa gas hydrates ang undersea ridge na ito, na tinukoy ng United Nations na bahagi ng continental shelf ng Pilipinas.
Ang gas hydrates ang itinuturing na petrolyo ng hinaharap. Iniaasa ngayon ng mundo ang kinokonsumo nitong enerhiya sa fossil fuels, gaya ng coal, oil, at natural gas. Ngunit mabilis nang nauubos ang mga ito at maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, ang pinipili ang renewable sources ng enerhiya, gaya ng hangin, sikat ng araw, geothermal, at biomass.
Maaari na natin ngayong idagdag ang gas hydrates bilang pagkukuhanan ng kuryente para sa Pilipinas. Mayroon pa ring ilang problemang teknikal sa paglikha ng methane mula sa gas hydrates kaya naman patuloy pa ring nakaasa ang mundo sa lumang fossil fuels. Ngunit sinasabing sampu hanggang 15 taon mula ngayon ay maaaring magsimula nang gumamit ang mga tao ng methane mula sa gas hydrates upang mapagana ang maraming industriya.
Trilyun-trilyong metro kuwadrado ng methane ang sinasabing nakaimbak sa gas hydrates sa mundo at maraming bansa, kabilang ang Amerika, Japan, at New Zealand, ang may pambansang programa sa gas hydrates. Matatagpuan ang mga deposito nito sa karagatan; tinatayang nahigitan pa nito ang petroleum reserves.
Ang ulat na may presensiya ng gas hydrates sa Benham Rise ay nagbigay ng mas mabuting pakinabang upang umaksiyon ang Senate committees on economic affairs at energy sa panukalang inihain ni Sen. Juan Edgardo Angara para sa pagtatatag ng Benham Rise Development Authority. Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng komite, na ang panukala ay nasa agenda sa pagbabalik-sesyon ng Senado sa Mayo 2.
Inihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang intensiyon na baguhin ang pangalan ng Benham Rise at gawing “Philippine Ridge”, upang ipagsigawan sa mundo na pag-aari ito ng Pilipinas. Maaaring ikonsidera ng Senado ang planong ito ni Duterte upang mapangalanan nang wasto ang ahensiyang nais nilang itatag — ang Philippine Ridge Development Authority.