MONTE CARLO, Monaco (AP) — Kabiguan ang sumalubong sa pagbabalik aksiyon ni Jo-Wilfried Tsonga ng France matapos gapiin ng kababayan at qualifier na si Adrian Mannarino, 6-7 (3), 6-2, 6-3 sa second round ng Monte Carlo Masters nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Taliwas naman ang kapalaran ni Novak Djokovic, naglaro rin sa unang pagkakataon sa clay court mula nang magwagi sa French Open sa nakalipas na taon, nang pabagsakin si Frenchman Gilles Simon,6-3, 3-6, 7-5, para makausad sa third round.
Umusad din si No. 16 seed Pablo Cuevas, nagwagi kay Joao Sousa, 6-3, 6-3.
Dalawang ulit na semifinalist sa Country Club, huling naglaro si Tsonga kontra Fabio Fognini sa opening match ng Indian Wells nitong Marso bago humirit nang mahabang bakasyon para alagaan ang bagong silang na anak na lalaki.
Tangan ng 10th-ranked na si Tsonga ang 3-0 bentahe sa first set, ngunit nabigo siyang sustinahan ang kanyang baseline game.
Sunod na makakaharap ni Mannarino ang magwawagi sa laro nina Lucas Pouille at Paolo Lorenzi.
Nakadale si Pouille kontra American Ryan Harrison, 6-2, 6-4, habang ginapi ni Lorenzi si Marcel Granollers 6-2, 6-4.
Pinatalsik ng beteranong si Tommy Haas, pinakamatandang player sa draw sa edad na 50-anyos, si Frenchman Benoit Paire 6-2, 6-3.