PARANG mga langgam.
Daragsa na naman ang mga bakasyunista sa iba’t ibang lalawigan sa paggunita ng Semana Santa.
Bunsod nito, asahan na naman ang matinding traffic sa mga expressway. Bagamat high-tech na ang bayaran sa pamamagitan ng RFID (radio frequency identification), marami pa rin ang manu-mano sa pagbabayad ng toll fee.
Ito ang dahilan ng mahabang pila sa mga toll plaza. Sa kabila nito, marami pa rin ang naiimbiyerna sa trapiko na kalbaryo sa mga biyahero.
Ang payo ng awtoridad — planuhing mabuti ang biyahe bago umarangkada.
Isipin ang mga kailangang dalhin tulad ng tools ng sasakyan, gamot, bottled water, extra clothing, tsitsirya, at kung mayroon, portable WiFi.
Iba na rin ang may mapag-aaliwan habang naiipit sa trapiko upang maiwasan ang pag-init ng ulo at pagkaburyong.
At dahil panahon na ng Semana Santa, masisilayan na naman ng mga motorista ang iba’t ibang road assistance team na handang tumulong sa kanila.
At kung ang pag-uusapan ay roadside assistance, unang pumapasok sa ating isipan ang Petron Lakbay Alalay program.
Ito ang itinuturing na pinamakatagal na motorist assistance sa buong bansa.
Karaniwang nakapuwesto ang Lakbay Alalay team sa mga pangunahing expressway at national highway, handang tumulong hindi lamang sa mga nag-o-overheat na sasakyan kundi maging sa mga pasahero na masama ang pakiramdam.
Bukod dito, aabot sa 300 Petron station sa buong bansa ang makikibahagi sa naturang proyekto. Sa taya ng kumpanya, aabot sa 1,000 ang bagong istasyon nito bago matapos ang 2017.
Nakasilong sa simpleng tolda, nagbibigay din ng libreng bottled water ang Lakbay Alalay team.
Huwag kayong magtaka kung bakit may tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa karamihan ng istasyong inyong madaraanan. Ito ay dahil nakipagtambalan ang PNP sa Petron sa proyektong Lakbay Ligtas upang mapaigting ng una ang police visibility ngayong panahon ng bakasyon.
Ayon sa kumpanya, magpapatuloy ang serbisyo ng Lakbay Alalay simula sa Abril 12 hanggang Abril 16 sa ilang piling lugar.
Kaya ngayong Semana Santa, lamig lang ang ulo, planuhing mabuti ang biyahe. At higit sa lahat, isipin palagi ang kaligtasan ng lahat. (ARIS R. ILAGAN)