Sugatan ang isang lalaki nang tarakan sa leeg ng isa sa apat na lalaking nag-abang sa kanya sa loob ng Manila North Cemetery, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Alvin Evangelista, 18, ng 16th Street, Manila North Cemetery, dahil sa saksak sa leeg.
Kinilala ang isa sa apat na suspek na si alyas “Baloktot”, umano’y miyembro ng “Sigue-sigue” gang.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 10:30 ng gabi kamakalawa nangyari ang pananaksak sa 16th St., malapit sa kanto ng 2nd St., sa loob ng Manila North Cemetery sa Blumentritt St., Sta. Cruz.
Nabatid na bumili lamang ng gasolina ang biktima at pauwi na nang biglang harangin ng mga suspek.
Nilapitan ni Baloktot ang biktima at sinapak sa mukha habang bumunot naman ng patalim ang isa pang suspek at sinaksak sa leeg si Evangelista.
Nang makitang duguan ang biktima ay nagkanya-kanya nang takas ang mga suspek.
Inaalam na ng awtoridad ang motibo sa pananaksak. (Mary Ann Santiago)