Lumalabas na matindi ang pangangailangan ng isang obrero matapos umano nitong tangayin ang kable ng Light Rail Transit (LRT) na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto sa Pasay City, nitong Biyernes ng gabi.
Kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Police ang suspek na si Selvirt Felicilda, 31, ng Aurora Boulevard, Tramo ng Pasay City.
Sa ulat ng pulisya, naaktuhan ni Jose dela Cruz, guwardiya, ang suspek na kinukuha ang shunting cable, nagkakahalaga ng P1,000, ng isang tren sa Gate 1 ng LRT Depot 1.
Dahil dito, agad inaresto ni Dela Cruz si Felicilda at dinala sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng pulisya upang imbestigahan.
Inamin ni Felicilda ang pagkakamali at ikinatwiran na wala nang makain ang kanyang pamilya.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso si Felicilda. (Bella Gamotea)