Bangkay na nang datnan ang isang sabungero sa loob ng isang sabungan sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Sa report kay Police Sr. Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, kinilala ang nasawi na si Robertson Dela Cruz, 30, ng No. 44 Malinis Street, Barangay Bagbaguin, Valenzuela City, at nadiskubreng may tama ng bala ng cal. 40 sa ulo.

Una rito, dakong 7:00 ng umaga, pumasok si Dela Cruz na may bitbit na dalawang manok sa Kaybiga Cockpit Arena na matatagpuan sa No. 14 Kaybiga, Bgy. 166, Caloocan City.

Dumiretso umano ang biktima sa air conditioned room ng sabungan at doon nagpahinga.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Bandang 2:30 ng hapon, kinatok sa kuwarto ni Eugenio Caridad, guwardiya ng nasabing sabungan, si Dela Cruz upang ipaalam na may sultada na.

Dito na nadiskubre ni Caridad ang bangkay ni Dela Cruz na nakaupo at duguan.

Narekober sa pinangyarihan ang isang basyo ng bala ng cal. 40 at ang baril na ginamit ni Dela Cruz.

Inaalam na kung may foul play na nangyari. (Orly L. Barcala)