Pinagdadampot ang tatlong drug supect, kabilang ang isa na nagpakilalang police operative, sa ikinasang operasyon ng Quezon City police nitong Biyernes ng hapon, iniulat kahapon.

Ayon sa mga tauhan ng Masambong Police Station, nahuli nila sina Francisco Morente, alyas “Kids”, 54; at ang mga-live-in partner na sina Herbert Teraza, 31, at Merlin Kintanar, 29, sa buy-bust operation sa Sitio San Isidro, Barangay Bagong Pag-asa, dakong 2:00 ng hapon kamakalawa.

Ayon sa pulisya, isang undercover mula sa PS-2 ang tumayong poseur buyer at bumili ng P500 halaga ng shabu mula sa tatlong suspek.

Nang pasukin ng mga operatiba ang lugar, nagpakilala umano si Morente bilang tauhan ng “Criminal Investigation and Detection Group agent under the Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force PNP-AID SOTF (PNP-AID SOTF).”

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Gayunman, ang dalawang departamento na kanyang binanggit ay magkaibang unit. Bukod diyan, ang PNP-AID SOTF ay binuwag na noong Oktubre 20, 2015 at ginawang PNP Anti-illegal Drugs Group bago ang pamumuno ni PNP chief Ronald Dela Rosa.

Hindi nagtagal ito ay tinawag na PNP Drug Enforcement Group nang ibalik ang lahat ng anti-illegal drug operations matapos ang panandaliang suspensiyon.

Habang alam na ng awtoridad na siya ay nagsisinungaling, inilabas pa ng pekeng pulis ang kanyang mga identification (ID) card na umano’y patunay na siya ay isang pulis. May mga hawak din siyang calling card ng iba’t ibang opisyal sa gobyerno.

Bukod sa mga pekeng ID, nakuha rin kay Morente at kanyang mga kasama ang apat na pakete ng shabu.

Sinampahan na si Morente ng mga kasong paglabag sa Art. 177 of Revised Penal Code (Usurpation of Authority or Official Function) at RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) habang ang dalawa pang suspek ay kinasuhan ng paglabag sa RA 9165. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)