Ipatutupad simula ngayong Linggo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang limitasyon sa anim na oras na pinakamahabang pagmamaneho ng mga driver ng public utility bus (PUB) kada araw, upang makaiwas sa aksidente.
Sinabi ni LTFRB Spokesperson Aileen Lizada, board member ng ahensiya, na nakapaloob ito sa inilabas Memorandum Circular 2017-012 na nag-oobliga sa mga bus operator na ipatupad ang maximum na six-hour driving sa kanilang mga driver kada araw.
Ayon kay Lizada, hindi rin maaaring maging alternate driver ang mga konduktor. conductor.
Aniya, kung magkaroon ng aksidente dahil sa paglabag na ito ay magiging aggravating circumstances pa ang usapin na maaaring magresulta sa maramihang pagkamatay, pagkakasugat at pagkasira ng mga ari-arian.
Sinabi ni Lizada na ang mga hindi tatalima sa direktiba ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag, P10,000 at 30-araw na suspensiyon sa ikalawang paglabag, at 60-araw na suspensiyon ng operasyon ng bus sa ikatlong paglabag.
(Rommel P. Tabbad)