BRISBANE, Australia (AP) — Umusad ang Australia sa Davis Cup semifinals nang pabagsakin ni Nick Kyrgios ang late substitute na si Sam Querrey ng United States, 7-6 (4), 6-3, 6-4, sa first reverse singles match nitong Sabado (Linggo sa Manila) para sa 3-1 bentahe.
Naunang nagwagi sina Kyrgios at Jordan Thompson sa Pat Rafter Arena, para sa 2-0 bentahe ng Australia nitong Biyernes, bago nakabawi ang Americans nitong Sabado nang manalo ang tambalan nina Jack Sock at Steve Johnson kontra Sam Groth at John Peers, 3-6, 6-3, 6-2, 2-6, 6-3, sa double event.
“I haven’t been going back to the hotel hating the game or trying to just get through every day,” pahayag ni Kyrgios. “I’m trying to get better every day, and it’s a massive difference. I just feel like I’m becoming a bit more of a professional.”
Nagwagi si Isner kay substitute Groth, 7-6 (5), 6-3, sa no-bearing second reverse singles para sa final score na 3-2.
Sunod na malalaharap ng Australia ang mananalo sa pagitan ng Belgium at Italy sa semifinals sa September. Tangan ng Belgium ang 2-1 bentahe sa Italy.
Nangunguna ang U.S. sa kasaysayan ng Davis Cup na may 32 kampeonato, kasunod ang Australia na may 28. Huling naging kampeon ang US noong 2007, habang ang Australia ay huling nagwagi noong 2003.