Habang isinusulat ang balitang ito, kritikal ang dalawang binatilyo makaraang pagtulungang gulpihin at saksakin ng pitong katao na umano’y mga barkada ng babaeng kanilang binastos sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang nakaratay sa Tondo Medical Center sina Eric Rosal, 19; at Raymart Contreras, 18, kapwa residente ng No. 2744 Zamora Street, Barangay 97, Pasay City, sanhi ng mga saksak at pasa sa katawan.

Bago ang insidente, dumalo sa isang pagtitipon sina Rosal at Contreras sa Navotas City.

Nabatid na may binirong babae sina Rosal at Contreras na labis umanong dinamdam ng una.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pagsapit ng 1:25 ng madaling araw, naglalakad pauwi sina Rosal at Contreras at pagdating sa C-4 Road Bgy. Bagumbayan North ay bigla silang hinarang ng pitong kabataan saka ginulpi at sinaksak.

Kahit duguan, nagawang makatakbo nina Rosal at Contreras at humingi ng tulong sa kanilang kamag-anak na nagsugod sa kanila sa nasabing ospital.

Hinahanap na ang pitong suspek na nagsitakas. (Orly L. Barcala)