Hinimok ni Pangulong Duterte ang Palawan na ibahagi sa ibang lalawigan ang inaasahang malaki nitong makokolekta mula sa Malampaya natural gas project upang mas maraming probinsiya sa bansa ang umunlad.

Sinabi ng Pangulo na posibleng maging pinakamayamang lalawigan sa bansa ang Palawan kapag natanggap na nito ang kabahagi nito sa Malampaya funds.

“Alam mo ‘pag ibinigay ko sa inyo ‘yan sa Palawan, you will be the richest province in the entire Philippines. What will you do with the P72 million (billion) by the way? Anong gawain ninyo? ‘Di ibigay na lang n’yo sa iba, kasi good naman kayo dito,” sinabi ng Presidente sa panayam ng media nang bumisita siya sa Palawan nitong Huwebes.

“I need money to build houses. Nag-aagawan na nga ‘yung mga Kadamay,” dagdag niya, tinukoy ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na ilegal na umokupa sa mga bakanteng pabahay ng gobyerno sa Pandi, Bulacan kamakailan.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Tiniyak ng Pangulo na ibibigay niya nang patas sa Palawan ang kabahagi nito sa kita $4.5-billion Malampaya gas project, na pinangangasiwaan ng gobyerno at ng pribadong sektor.

“Bago lang kasi akong Presidente. Tingnan ko kung may pera pa, ibigay ko sa inyo. It’s rightfully yours so why would we claim it?” aniya.

Taong 2006 pa hinihingi ng pamahalaang panglalawigan ng Palawan ang 40 porsiyentong kabahagi nito sa Malampaya funds, alinsunod sa batas na nag-oobligang bigyan ng bahagi sa kita ang mga lokal na pamahalaang pinaghahanguan ng nililinang na likas yaman.

Gayunman, iginigiit ng gobyerno na hindi na saklaw ng Palawan ang Malampaya oil field, at nakabimbin pa rin ang kasong ito sa Korte Suprema. (GENALYN D. KABILING)