Pinayuhan ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang gobyerno na pag-aralan ang iniutos kamakailan ni Pangulong Duterte na ipaubaya na lang sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mga housing unit na inokupa ng mga ito sa Pandi, Bulacan.

Ayon kay Sotto, dapat na may legal na basehan ang pamamahagi ng Presidente sa mga bahay na ilegal na inokupa ng grupo sa Pandi.

Aniya, dapat na pangasiwaan ito ng National Housing Authority (NHA).

Nangangamba rin si Sotto na baka dahil sa nangyari ay mahikayat ang iba pang miyembro ng Kadamay na okupahin din ang iba pang mga pabahay ng pamahalaan.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Ang mga inokupang bakanteng housing unit ay inilaan ng gobyerno para sa mga pulis at sundalo.

Kaugnay nito, sinabi ni Kadamay National Chairperson Gloria Arellano na hindi nila maipapangako na hihinto na sila sa pag-okupa sa mga bakanteng pabahay ng pamahalaan, lalo dahil mahigit isang dekada na umanong hindi tinitirahan ang karamihan ng housing projects sa Bulacan.

“Hindi po namin masasabi [na titigil na kami] dahil ang kailangan po, ang mahihirap ay bigyan ng pabahay. Serbisyong panlipunan po ito. Sana maunawaan ng takapakinig natin,” sabi ni Arellano.

Bukod dito, inirereklamo rin ng grupo ang umiiral na negosyong pabahay dahil umaabot umano sa P420,000 ang kada unit na hindi kayang bayaran ng mahihirap na pamilya. (Leonel M. Abasola at Rommel P. Tabbad)