SALUDO si Boy Commute sa mabilis na pagtugon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na panukalang agahan ang pag-iinspeksiyon sa mga terminal ng pampublikong sasakyan kaugnay ng papalapit na Semana Santa.
Nitong mga nakaraang araw, sinorpresa ng LTFRB ang ilang bus terminal sa Metro Manila at sinilip ang pasilidad ng mga ito.
Ito’y bukod sa pagtiyak na ang lahat ng bus na bibiyahe ay ligtas sa mga susunod na araw dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero. At dahil inaasahan ang matinding trapiko sa susunod na linggo bunsod ng nakaambang exodus ng mga taga-Metro Manila, unti-unti nang nag-uuwian sa kani-kanilang probinsiya ang mamamayan.
Dapat na maging leksiyon na ito sa mga naipit sa traffic sa mga nakalipas na taon, sa pagsapit ng Semana Santa, at kung may pagkakataon na makauwi nang mas maaga ay gawin n’yo na.
Sa halip na mag-enjoy sa muling pakikipagkita sa inyong mga mahal sa buhay sa lalawigan, malamang ay kalbaryo na naman ang inyong kinahaharap kung sa Miyerkules Santo o Huwebes Santo pa ang uwi n’yo.
Ganito rin ang inaasahang eksena sa mga paliparan at daungan sa halos lahat ng sulok ng bansa. Mistulang mga langgam na iisa ang pinupuntahan at pinanggalingan.
Samantala, headline na naman ang isinagawang surprise visit ng LTFRB sa mga bus terminal nitong mga nakaraang araw.
Ang nakabibilib, pati ang mga palikuran at waiting area ng bus terminal ay kanilang ininspeksiyon. Sa mga bus terminal na mayroong maruming toilet, hindi literal na “sabon” ang inabot.
Ayon sa LTFRB, responsibilidad ng mga bus company na tiyakin ang kapakanan ng mga pasahero na tumatangkilik sa kanila. Hindi maaaring dedmahin nila ang kondisyon ng mga pangunahing pasilidad tulad ng toilet at waiting area.
Taun-taon na lang ay naire-report ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga pasahero at marami pa ring mga bus company ang matitigas ang mukha at hindi gumagawa ng hakbang upang solusyunan ang mga problema sa kanilang terminal.
Ang panalangin ni Boy Commute: Sana’y hindi lamang pang-photo op ang isinasagawang surprise inspection ng LTFRB.
Sana’y tuloy-tuloy na ito hanggang sa kainitan ng pagbiyahe ng mga mamamayan simula sa Miyerkules Santo.
Dinarasal ni Boy Commute na sana’y manatiling malinis at mayroong magagamit na tubig ang mga palikuran upang hindi ang resibo ng bus ang kanilang ginagamit na ‘pampahid.’
Mahalaga rin na maglagay ng mga signage sa mga toilet upang hindi mataranta ang mga gagamit nito at hindi maabutan ng “pagsabog ng lagim” sa tabi-tabi. (ARIS R. ILAGAN)