Dahil sa kurapsiyon, sumuko ang isang kumander ng North Eastern Mindanao Regional Committee ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur, kahapon.

Kasabay nito handa si Estelito Camino, Jr. alyas “Ka Puma”, kumander ng North Eastern Mindanao Regional Committee ng NPA, na harapin ang mga kasong kriminal na ihahain laban sa kanya makaraan siyang sumuko sa 401st Infantry Brigade ng Philippine Army.

Pinamunuan ni Camino ang NPA na kumikilos sa Surigao del Sur, Agusan del Norte at Agusan del Sur, na nakasasakop sa buong North Eastern Mindanao.

Nakaramdam na ng sobrang hirap sa buhay sa kabundukan bukod pa sa kawalan ng oras para sa pamilya, sinabi ni Camino na sumuko siya makaraang hindi tumupad ang NPA sa ipinangako nitong susuportahan ang kanyang pamilya.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Nakita rin umano ni Camino ang kurapsiyon sa kilusan na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng NPA, at iginiit na malaking pera mula sa pangingikil umano nila sa mga negosyante at mga magsasaka ang napupunta sa bulsa ng ilang opisyal.

DELIVERY VAN SINILABAN

Samantala, Lunes ng gabi nang hinarang at sinunog ng NPA ang isang container van na may kargang saging sa Barangay Batasan, Makilala, North Cotabato.

Nabatid sa imbestigasyon ng Makilala Municipal Police na dakong 8:17 ng gabi nitong Lunes nang harangin ng mga rebelde sa Sitio Flortam, Bgy. Batasan sa Makilala ang van ng Paglas Banana Plantation.

Sinabi ni Senior Supt. Emmanuel Peralta, director ng North Cotabato Police Provincial Office, na tinutukan ng mga rebelde ng baril ang driver ng van at ang kasama nitong pahinante bago binuhusan ng gasolina at sinilaban ang sasakyan. (Fer Taboy)