Patay ang dalawang babae, isa sa kanila ay tatlong-buwang buntis, makaraang pagsasaksakin ng lalaki na umano’y bangag sa droga na nakasalubong nila sa bayan ng San Juan sa Siquijor, nitong Lunes ng gabi.
Ipinagharap kahapon ng San Juan Municipal Police ng multiple murder at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Acts si Michael Manayon, 34, ng Lapu-Lapu City, Cebu, sa pagpatay umano kina Nikki Piñero, 21, tatlong-buwang buntis, ng Dumaguete City; at Loreen Ramirez, 17, ng Makati City.
Sinabi sa report ni PO2 Vernel Cordova na pabalik na ang mga biktima sa inuupahang cottage nang makasalubong ang suspek na may dalang kitchen knife at bigla silang pinagsasaksak nito.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang dalawa habang naaresto naman si Manayon, na ayon kay Cordova ay una nang nagbanta na papatayin ang makakasalubong makatanggap umano ng impormasyon na ipahuhuli siya sa mga pulis. (Fer Taboy)