Iimbestigahan ng Southern Police District (SPD) ang ilang tauhan nito na isinangkot ng nakulong na mataas na opisyal ng PNP Crime Laboratory Satellite Office sa Muntinlupa City matapos maaktuhan umanong bumabatak ng shabu kasama ang isang babae sa isang barung-barong sa Las Piñas City nitong Marso 30.
Inihayag ni SPD Director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr. na sasailalim sa imbestigasyon si Chief Insp. Joselito Savares, nakatalaga sa Intelligence Unit ng SPD, na ayon kay Supt. Lito Cabamongan ay nagsu-supply umano ng shabu.
Gayunman, lumitaw na si Savares ang nagsagawa ng surveillance laban kay Cabamongan matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa umano’y paggamit ng droga ng huli.
Bukod kay Savares, tumangging banggitin ni Apolinario ang iba pang pulis na iimbestigahan nila matapos idawit ni Cabamongan sa droga.
Madaling araw nitong Marso 30 nang nadakip ng Las Piñas City Police si Cabamongan, kasama si Nedy Sabdao, sa aktong gumagamit ng ilegal na droga sa isang barung-barong sa Block 16, Lot 14, Everlasting Homes sa Barangay Talon 4 ng naturang siyudad.
Nagpositibo sina Cabamongan at Sabdao sa initial drug test ng PNP Crime Laboratory at nakatakdang sumailalim sa confirmatory drug test.
Kamakalawa sumalang sa inquest proceedings ang dalawang suspek sa Las Piñas Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), at dito humirit ng independent drug test ang kampo ni Cabamongan.
Samantala, tutol naman ang mga bilanggo sa detention facility ng Las Piñas City Police na makasama sa selda si Cabamongan dahil mistulang VIP (very important person) umano kung umasta ito. Nakuhanan pa ito ng litrato habang minamasahe sa binti ng ilang kapwa bilanggo. (BELLA GAMOTEA)