STO. TOMAS, Pangasinan – Umaasa ang bayan ng Sto. Tomas sa Pangasinan na masusungkit nito ang Guinness World Record ng Longest Picnic Line at Longest Line of Tables sa feat na dinagsa ng turista kahapon ng tanghali.
Sinikap ni Mayor Timoteo “Dick” Villar III na sabay na masungkit ang dalawang nabanggit na world record, at pinaghandaan itong mabuti sa tulong ng mga opisyal ng bayan at mga residente.
Libu-libong katao ang dumagsa kahapon para saksihan ang pinakamahalagang tampok sa selebrasyon nila ng pista ng bayan.
Ang unang world record feat ay idinaos bandang 12:00 ng tanghali, habang ang isa pa ay ginanap bandang 4:00 ng hapon.
Pinagdikit-dikit ang 2,470 mesa na may habang 2.43 metro bawat isa. Inilatag ito mula sa welcome arc sa hangganan ng Rosales at Sto. Tomas hanggang palabas sa isa pang bayan ng Alcala. Sa kabuuan, may haba itong anim na kilometro.
Ayon sa alkalde, susubukan nilang daigin ang kasalukuyang record holder, ang Alexandria sa Egypt na nakapagtala ng 4.3 kilometrong haba ng hilera ng mesa para masungkit ang Longest Line of Tables record.
Para naman sa Longest Picnic Line, naghanda ang Sto. Tomas ng 3,600 kilo ng karneng baboy at 3,600 kilo ng sari-saring gulay na pangsahog para sa pagsasaluhang Adobong Sto. Tomas Con Maiz.
Ang putahe ay orihinal na recipe ng bayan, tampok ang mais na pangunahing produkto ng Sto. Tomas, ayon sa alkalde.
(Liezle Basa Iñigo)