Binuksan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ikaapat na lane sa EDSA para sa mga fire truck, na tatawagin bilang “fire lane”.

Nagsagawa rin ng fire drill ang BFP para mabatid kung epektibo ang fire lane ng MMDA sa bahagi ng EDSA-Boni Avenue sa Mandaluyong City.

Layunin nitong pabilisin ang pagresponde ng mga tauhan ng BFP, lalo na kapag rush hours, sa mga sunog sa Metro Manila, partikular na kung may nagliliyab na sasakyan sa kalsada.

“’Yun ang maganda 'pag may designated fire lane tayo, pagdating ng rush hour talagang iisa lang gagamitin niya na lane. Lahat ng fire truck ng ka-Maynilaan iisa lang gagamitin niya na lane, para ‘yung mga motorista may pagkakataon na umiwas. Hindi na ‘yung fire truck ang iiwas,” sabi ni BFP-National Capital Region Director Wilberto Kwan Tiu.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa tulong ng fire lane, obligadong magbigay-daan ang mga motorista sa mga fire truck upang maiwasan ang aksidente at matiyak ang mabilis na responde sa sunog.

Nilinaw din ni Tiu na hindi dapat hinaharangan ng mga sasakyan, tindahan o anumang sagabal ang mga fire lane, gayundin ang mga fire hydrant, lalo na kung may sunog.

Kaugnay nito, nanawagan si Tiu sa mga alkalde sa Metro Manila na magtalaga rin ng kani-kanilang fire lane bukod sa EDSA.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpaparada ng anumang sasakyan sa fire lane at malapit sa fire hydrant, at ang paglabag ay may karampatang parusa alinsunod sa Fire Code of the Philippines. - Bella Gamotea