Tuluyan nang naaresto ang isang Indian at tatlong Pilipino na umano’y magkakasabwat sa pagdukot sa isang negosyanteng Indian sa Nueva Ecija, kinumpirma kahapon ng Philippine National Police (PNP).

Mismong si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang kumilala sa mga suspek na sina Gurmeet Singh, kasalukuyang nagpapagaling sa PNP General Hospital matapos maaksidente habang tinatakasan ang mga pulis; Jerry Cabading, alyas “Tolox”; Francis Castro, alyas “Gorilla”, kapwa residente ng Barangay Agupalo Weste, Lupao; at Gregorio Peña, alyas “Junjun”, ng Bgy. Canaan East, Rizal, Nueva Ecija.

Nagsanib-puwersa ang Anti-Kidnapping Group at Police Regional Office-3 (PRO-3) upang maaresto ang mga suspek makaraang magsumbong ang pamilya ng biktimang si Harvinder Singh na dinukot sa Bgy. Sta. Barbara, Llanera, Nueva Ecija, noong Marso 9 at tuluyang pinalaya nitong Marso 25 dahil sa ransom.

Narekober mula sa mga suspek ang tatlong .45 pistol, granada at P600,000 ransom ng pamilya ng biktima. (FER TABOY)

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8