KINUMUSTA ni Pangulong Duterte ang mga Pilipino sa Bangkok, Thailand nitong Huwebes at sa harap nila ay inilahad ang pangarap niya na balang araw ay hindi na kakailanganin ng mga Pinoy na lumabas ng bansa upang maghanap ng trabaho.
“Ang dream ko sa Pilipinas — hindi ko na maabot ‘yan pero sisimulan ko — in 10 years hindi na kayo lalabas ng bansa,” aniya.
Isa itong pangarap na hinahangad ng maraming pamilyang Pilipino na matagal nang nagdurusa sa pangungulila sa pagkakawalay sa isa’t isa — nasasabik ang maliliit na anak sa pagmamahal at pag-aaruga ng kanilang mga magulang; ang mga magulang, lalo na ang mga ina, ay nalulungkot dahil hindi magawang magabayan ang kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito, sa panahong pinakakailangan ng mga ito ang patnubay; ang ilang mag-asawa ay tuluyang nagkakahiwalay sa gitna ng matinding kalungkutan sa paninirahan sa malayong bansa.
Sa ngayon, mayroong tinatayang 10 milyong Pinoy na nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa, mahigit kalahati sa kanila ay nasa Gitnang Silangan, partikular sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait at Qatar. Maraming iba pa ang nasa East Asia — gaya sa Hong Kong, Japan, at Taiwan—at sa Timog-silangang Asya, lalo na sa Singapore at Malaysia. Ang Amerika ay tahanan ng daan-daang libong Pilipino, karamihan sa kanila ay hindi dokumentado. May Pinoy sa lahat ng bansa sa mundo, maliban sa North Korea, ayon sa isang ulat.
Ang mga unang migrante sa Amerika noong 1940s ay karamihang miyembro ng armadong puwersa ng Amerika, mga propesyunal at mga kaanak ng mga unang migrante. Pagsapit ng 1970s at 1990s, ang mga manggagawang migrante na Pilipino ay karaniwang nasa sektor ng produksiyon, konstruksiyon, transportasyon at mga makinista at operator, tripulante at iba pa. Sa kasalukuyan, ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa ay mula sa mga kasambahay hanggang sa mga doktor, nurse, inhinyero at iba pang mga propesyunal. Kalahati ng mga overseas Filipino worker sa ngayon ay kababaihan.
Sa katunayan, matindi ang pangangailangan para sa mga manggagawang Pilipino sa maraming bansa dahil sa kahusayan natin sa pagsasalita ng English, sa ating hindi pahuhuling antas ng edukasyon, sa reputasyon natin sa mahusay na pagtatrabaho, sa pagkakaroon ng mabuting relasyon sa mga pinaglilingkuran, at sa kakayahang makisama sa kapwa tao sa alinmang komunidad. Kilala ang mga Pilipino bilang regular na nagsisimba sa Amerika at sa Europa.
Gayunman, napakarami nang Pilipino sa ngayon ang umaalis sa bansa dahil sa kakaunting oportunidad para sa magandang trabaho sa Pilipinas. Ito ang nasa isip ni Pangulong Duterte nang ibunyag niya ang kanyang pinapangarap na pagdating ng panahon ay hindi na kakailanganin pa ng mga Pilipino na mangibang-bansa para makahanap ng magandang trabaho.
Maaaring masyado siyang kumpiyansa nang magbigay siya ng palugit na 10 taon sa pagsasakatuparan sa kanyang pangarap, ngunit kung ngayon na siya magsisimula, kasama ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan, ang pangarap na maging alternatibo na lamang — at hindi pangangailangan — ang pangingibang-bansa para sa mga Pilipino ay magkakaroon ng katuparan nang mas maaga sa inaasahan.