Isa-isang dinampot ng Parañaque City Police ang 147 katao, kabilang ang anim na wanted at 39 na menor de edad, sa “One-Time, Big-Time” operation sa lungsod, nitong Huwebes ng gabi.

Kasalukuyang nakakulong sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng pulisya sina Rene Quilinguen, 27, security guard, ng No. 135 Guyabano Street, Sampaloc 2, BF Homes, Parañaque City, wanted sa kasong theft; Boyet Rodriguez y Nagal, 59, ng Lower Barangay San Antonio, wanted sa kasong robbery; Carlos Leongson, 64, ng No. 1702 Munoz St., Tramo Bgy. 43, Pasay City, nahaharap sa kasong serious illegal detention; Bong Manalo y Agalon, 21, ng Area 4, Sport Complex Fourth State Subdivision, Bgy. San Antonio, Parañaque City; Joebert Abig y Aboga, 21, ng Area 4, Sport St., Fourth State Subd., Bgy., San Antonio, Parañaque City, nahaharap sa kasong paglabag sa City Ordinance Series 95-27 (Liquor Ban); at Babylyn Cruz, 60, ng No. 28 Simplicio Cruz Compound, Bgy. San Isidro, Parañaque City, nahaharap sa kasong theft.

Sa ulat ni Parañaque City Police chief Sr. Supt. Jemar Modequillo, dakong 10:30 ng gabi ikinasa ang operasyon, sa pamumuno ni Sr. Insp. Benedicto Balagtas, sa mga Bgy. Marcelo, Don Bosco at Moonwalk.

Inaresto rin ang 80 lalaking nag-iinuman sa kalye at 23 iba pa na pawang nakahubad-baro.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bago tuluyang pinakawalan, dinisiplina ni Modequillo ang mga inaresto sa pamamagitan ng pagpu-push up at binalaang huwag nang umulit sa paglabag sa mga ordinansa ng lungsod.

Nasagip naman ng pulisya at DSWD ang 39 na menor de edad na naabutang pakalat-kalat sa lansangan sa kabila ng ipinatutupad na curfew.

Idiniretso sa tanggapan ng DSWD ang mga bata at ipinatawag ang kani-kanilang magulang upang sila’y personal na sunduin. (Bella Gamotea)