Napigilan ng mga pulis ang tangkang pambobomba sa Metro Manila matapos nilang maaresto ang isang 35-anyos na umano’y kasapi ng isang teroristang grupo sa Central Mindanao at nakumpiskahan ng ilang pampasabog sa raid sa Quezon City.

Ayon kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), nakumpirma sa operasyon sa Salam Compound sa Barangay Culiat, Quezon City ang presensiya ng Maute terror group sa Maynila.

“This discovery led us to believe that the Maute Group has already established presence in Metro Manila. As to what extent, that is the subject of our follow-up operation and investigation,” ani Dela Rosa.

Kinilala niya ang inarestong suspek na si Nasif Ibrahim na sangkot sa planong pambobomba sa Rizal Park sa Maynila noong Nobyembre ng nakaraang taon. Siya ang sinasabing driver ng sasakyang nag-iwan ng bomba sa lugar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaang ang bomba na dapat sana’y iiwan sa Rizal Park ay inabandona malapit sa US Embassy sa Maynila ngunit hindi ito sumabog.

Dahil sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, naaresto ang mga nag-iwan ng bomba na naging dahilan upang matukoy ang iba pang suspek.

Aabot sa apat na katao ang inaresto sa follow-up operations at sila ay sina Rayson Kilala, Mohammad Jumao-as, Elmer Romero at Jiaher Guinar. Pawang miyembro umano ng Maute Group.

At sa pagkakaaresto ni Ibrahim, lima na ang kabuuang naarestong miyembro ng Maute Group sa Maynila at kalapit na probinsiya.

Samantala, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), wala pa silang namo-monitor na Maute Group sa Maynila na taliwas sa naging pahayag ng PNP.

“We don’t know what the PNP’s basis for them to say that the Maute Group already has presence here in Metro Manila,” ani AFP Public Affairs Office (PAO) chief Marine Colonel Edgard Arevalo.

“But we would like to ask the people to remain vigilant and always support security forces in efforts of neutralizing the enemy. Magtulungan tayo, because security is everybody’s concern,” dagdag ni Arevalo.

(AARON RECUENCO, FER TABOY, JUN FABON at FRANCIS WAKEFIELD)