HINDI pa uubra sa ngayon ang pagkakaroon ng iisang currency note para sa mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary for ASEAN Affairs Ma. Helen dela Vega na hindi pa handa ang ASEAN na tularan ang ginawa ng European Union (EU).
“Most members of the ASEAN are still considered developing countries and Philippines is one of them,” sinabi ni Dela Vega sa panayam sa kanyang pagdalo sa Joint Consultative Meeting of the ASEAN 2017 sa Philippine International Convention Center kamakailan.
Ayon kay Dela Vega, ang mga kasapi ng EU ay may halos magkakaparehong antas ng gross national product at pawang itinuturing na mayayamang bansa sa bahaging iyon ng daigdig.
Sa kabila nito, aniya, hindi pa rin nagawa ng EU na maging perpekto ang Euro bilang pera ng mga kasapi nito, at may ilang problema pa rin na kinailangang tugunan.
Tinukoy ni Dela Vega ang London na tumangging gamitin ang Euro bilang pera nito at patuloy na ginagamit ang Pounds bilang currency.
“Take a look at London, they are the richest among EU members but refused to follow what they have agreed upon,” pagbibigay-halimbawa ni Dela Vega. “Now, London has decided to leave EU as member-country.”
Hindi naman pinasusubalian ni Dela Vega ang posibilidad na darating ang panahon na tutularan ng ating rehiyon ang ginawa ng EU, ngunit bago pa man ito maisakatuparan ng ASEAN, kailangan munang iangat ang estado para maging maunlad na bansa mula sa kasalukuyang papaunlad na kalagayan.
Ito ang dahilan, aniya, kung bakit tinanggal na ng ASEAN ang taripa sa lahat ng bilihin upang maging mas abot-kaya ito para sa mga mamimili at maipagpatuloy ang pagsasalin at pagbabahagi ng teknolohiya upang tulungan ang isa’t isa sa mabilis na pag-unlad para magawang makipagsabayan sa mundo. Inalis na rin ang visa sa lahat ng bansang miyembro ng ASEAN upang mapasigla ang turismo.
Sinabi ni Dela Vega na sinusubaybayan ngayon ng mundo ang ASEAN dahil nakikita ang mabilis at umaalagwang pag-unlad ng mga kasapi nitong bansa na naging napakamatulungin upang maisulong ang kaunlaran ng bawat miyembro. - PNA