STO. TOMAS, Pangasinan - Susungkitin ng bayan ng Sto. Tomas sa Pangasinan ang Guinness World Record para sa Longest Line of Tables at Longest Picnic sa Abril 2.
Ayon kay Mayor Timoteo “Dick” Villar III, sisikapin nilang maangkin ang dalawang titulo sa prestihiyosong Guinness World Records sa pagdidikit-dikit nila ng 2,470 mesa na may sukat na 2.43 metrong haba bawat isa.
Buburahin ang 4.3-kilometrong record ng Alexandria, Egypt, ilalatag sa welcome arc sa hangganan ng Rosales at Sto. Tomas ang nasabing mga mesa, hanggang sa bayan ng Alcala, na tinatayang may anim na kilometro ang haba.
Para naman sa Longest Picnic, naghahanda ang Sto. Tomas ng 3,600 kilo ng karneng baboy at 3,600 kilo ng sari-saring gulay na pangsahog para sa Adobong Sto. Tomas Con Maiz, bukod pa sa magsasaing ng 60 kaban ng bigas.
Matatandaang taong 2008 nang nasungkit ng Sto. Tomas ang Longest Barbecue world record nang sabay-sabay na nag-ihaw ang mga residente ng 93,540 mais, sa ihawang umabot sa 1,559 na metro ang haba. (Liezle Basa Iñigo)