Ngayong ang dalawang pinuno ng Kongreso ang posibleng makinabang sa magkasunod na planong patalsikin sa puwesto ang presidente at bise presidente ng bansa, nanawagan ang isang kongresistang taga-administrasyon ng “impeachment ceasefire” sa pagitan ng mga kampo nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.
Ito ang naging apela makaraang magpahayag ng suporta ang ilang kongresista sa plano ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maghain ng impeachment laban kay Robredo.
Sinabi ni Deputy Speaker Gwendolyn Garcia na ang video message ni Robredo sa United Nations ay maaaring magdulot ng “dire economic circumstances”, kaya malinaw na isa itong pagtatraydor sa publiko.
Huwebes nang ihain ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, miyembro ng House Magnificent Seven na kaalyado ni Robredo, ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte dahil umano sa mga paglabag sa Konstitusyon, pagtatraydor sa publiko, katiwalian at kurapsiyon at iba pang matitinding krimen.
Bagamat dahil sa pulitika ay imposibleng magkasunod na mapatalsik sa puwesto sina Duterte at Robredo, ang paghahain ng mga kasong impeachment ay nananatiling banta sa posisyon ng dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa.
Ayon kay Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang pag-impeach kina Duterte at Robredo ay “highly politically divisive and explosive process” na magpapatindi lamang sa alitang pulitikal sa pagitan ng kampo ni Duterte at ng kampo ng nakalipas na administrasyon sa ilalim ni dating Pangulong Benigno Aquino III ng Liberal Party.
“Impeaching the top two leaders of the country — whether or not either succeeds — will get us nowhere and only make things worse for our already divided nation,” paliwanag ni Castelo.
“We face serious problems that — in order to resolve —require not only serious and dedicated leaders, but more importantly sacrifices from all of us and national unity,” aniya pa.
Samantala, umani naman ng suporta mula sa mga kaalyado ang plano ni Alvarez na maghain ng impeachment laban kay Robredo, kabilang na si Lanao del Sur Rep. Mayuyag Papandayan.
Gayunman, iba ang opinyon ni Quezon City Rep. Christopher Belmonte: “Karapatan ni Speaker (Alvarez) ‘yon. I’m sure na pag-aaralan muna niya nang mabuti before and if he does. Pero dissent and expressing your views on issues does not mean destabilization, it is an essential part of democracy.” (BEN R. ROSARIO)