Suspendido ang 14 na operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) makaraang makitaan ng probable cause ang dalawang kasong administratibo na isinampa laban sa mga ito kaugnay ng madugong raid sa Barangay Santa Rosa-Laguna sa bayan ng Guimbal, Iloilo noong 2015.
Suspendido ng 280 araw ang nasabing bilang ng mga pulis, habang ibinasura naman ang kasong murder na inihain laban sa kanila.
Kasong grave misconduct ang kinakaharap ng mga kasapi ng CIDG na sina Chief Insp. Fernando Salvattiera, dating hepe ng CIDG; Insp. Ronole Bagayao; SPO2 Alberto Sombilon; SPO1 Aldren Bigan at PO1 Melvin Mocorro; at ng mga SAF member na sina Senior Insp. Regie Delmos, PO3 Agustin Macajilig, PO3 Jerson Covera, PO2 Harry Langkawa, PO1 Danny Donglan, PO1 JR Belesario, PO2 Mario Bagos, PO1 Ericson Destalia at PO1 Junel Ngawoy.
Nahaharap din sa serious neglect of duty sina Insp. Bagayao, SPO2 Sombilon, PO3 Macajilig, PO3 Corvera at PO2 Langkawa.
Sinalakay ng nabanggit na mga pulis ang bahay na pinag-aagawan ng magkakalabang pamilya, na nauwi sa engkuwentro at ikinamatay ni Elias Bilbao, habang dalawang iba pa ang nasugatan.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service na nagkaroon umano ng sabwatan ang mga pulis at ang pamilya Gial, na isa sa umaangkin sa pinag-aagawang bahay. (Fer Taboy)