Magsasanib ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtugis at paglansag sa malalaking sindikato ng droga sa bansa.
Ito ang ipinag-utos ni Pangulong Duterte upang mas pag-ibayuhin ang sinimulan niyang kampanya laban sa salot na illegal drugs.
Base sa report, nais ni Pangulong Duterte na magtulung-tulong ang AFP, PNP, PDEA at NBI upang mas maging madali at mabilis ang pagdakip sa mga big-time drug syndicate sa bansa.
Ayon sa AFP, magiging aktibo ang partisipasyon ng militar sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga, partikular na sa mga tinaguriang “high profile target.”
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo, pinulong ni Duterte sa Malacañang ang mga pinuno ng apat na ahensiya at sinabi sa kanila na nais niyang tuldukan ang problema sa droga bago matapos ang kanyang termino.
Nilinaw naman ni Arevalo na hindi magsasagawa ng street level drug operations na ipauubaya na lamang sa PNP, PDEA, at NBI.
Tiniyak din niya na kanilang susundin at paiiralin ang batas sa karapatang pantao. (FER TABOY)