MONTREAL (AFP) – Nagkarambola ang mga sasakyan at nagsara ang mga eskuwelahan dulot ng blizzard na kumikilos patungong hilaga ng United States, at anim na katao ang namatay sa pag-ulan ng snow na pumaralisa sa silangan ng Canada nitong Miyerkules.
Dalawang kalalakihan ang natagpuang patay sa isang sasakyan na nabalot ng yelo sa Quebec City. Dalawang motorista naman ang nasawi sa banggaan sa nagyeyelong kalsada, at isang 58-anyos na lalaki ang namatay nang tamaan ng snow plow.
Umabot sa hanggang 28 pulgada ng snow ang bumagsak sa ilang bahagi ng Ontario, Quebec at coastal Maritimes region, ayon sa weather office ng Environment Canada. Halos 70,000 kabahayan ang nawalan ng kuryente kinagabihan.
Nananatiling sarado ang main highway sa pagitan ng Toronto at Montreal matapos magkarambola ang 30 sasakyan noong Martes. Namatay sa banggaan ang driver ng isang tumaob na truck na nagdadala ng hydrofluoric acid at ilang katao pa ang ginamot nang malanghap ang tumagas na kemikal.
Magulo rin ang eksena sa mga paliparan sa pagsisikap ng mga pasahero na mai-rebook ang libu-libong nakanselang flight.