Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglatag ng “clear parameters” ang gobyerno at ang mga komunistang rebelde sa muling pagpapapatuloy ng mga usapang pagkapayapaan at pagdedeklara ng unilateral ceasefire.

Sa closed-door meeting ng National Security Council (NSC) executive committee sa Malacañang nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na kailangan ito upang matiyak ang matiwasay na peace process.

“The President acknowledged the Joint Statement of the GPH and the NDF peace panels on the intent to resume formal peace talks. To ensure that genuine peace talks are realized, the President asked both Panels to agree on clear parameters for ceasefire and the talks,” sabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella.

Kahapon, nagpahayag ng labis na kalungkutan si GRP Peace Panel Chairman Silvestre H. Bello III sa mga ulat na isang grupo ng mga pinaghihinalaang New People’s Army (NPA) ang muling nagsagawa ng pag-atake sa North Cotabato, isang araw matapos lumagda ang GRP at National Democratic Front (NDF) na ituloy ang peace talks.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Bello, nakipag-ugnayan na ang gobyerno sa mga katapat nila at nangako ang NDF na sisiyasatin ito.

“In the meantime, we urge combatants to observe restraint,” aniya.

Sa kasunduang naabot sa Utrecht, The Netherlands noong Linggo, nangako ang dalawang panig na ibalik ang unilateral ceasefire “as soon as their respective forces shall have been informed.”

Magbabalik sa negotiation table ang GRP at NDF sa Abril sa Oslo, Norway.

OPENSIBA TULOY

Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang opensiba ng militar laban sa mga rebeldeng NPA kahit na muling umusad ang usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Major Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, wala pa silang natatanggap na direktiba mula sa kanilang mga opisyal at sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process na itigil ang kanilang operasyon.

Nilinaw niyang magpapatuloy ang operasyon ng militar hangga’t nagpapatuloy ang pag-atake ng mga rebelde.

(GENALYN D. KABILING, ROCKY NAZARENO, at FER TABOY)