Kalaboso ang tatlong katao na itinuturong suspek sa pagtangay ng mga motorsiklo sa Maynila, kabilang ang motor ng isang parak, nang matiyempuhan ng awtoridad sa follow-up operation sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 6539 (motornapping) ang mga suspek na sina Vejay Bautista, 23, ng Villaruel Street, Jose Abad Santos, Tondo; Ferdinand Constantino, Jr., 27, ng 1949 G. Perfecto St., Tondo; at Anjun dela Cruz, 27, tricycle driver, ng 1915 Capulong Highway, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, bandang 1:00 ng madaling araw inaresto ang mga suspek sa G. Perfecto St.
Una rito, nagreklamo sa pulisya si PO1 Rizalyn Tamodra, 26, ng 447 Lacson St., Sampaloc, matapos umanong tangayin ng mga suspek ang kanyang motorsiklo (NE-44303) na may side car, dakong 2:00 ng hapon kamakalawa.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng MPD-Station 7 at Station 4, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. (Mary Ann Santiago)