Aabot sa 120 katao, kabilang ang 40 menor de edad, ang pinagdadampot ng awtoridad sa “One-Time, Big-Time” operation sa Parañaque City, nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 10:00 ng gabi ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Parañaque City Police, Parañaque Medical team, Department of Social Welfare and Development (DSWD), mga barangay tanod at iba pang force multiplier ang nasabing operasyon sa Baclaran.
Pito sa mga suspek ang inaresto sa bisa ng warrant of arrest, 68 katao ang dinampot dahil sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar at ang limang iba pa ay nakahubad baro.
At dahil mahigpit na ipinatutupad ang curfew sa mga kabataan sa lungsod, nasagip ang 40 menor de edad na natiyempuhang gumagala pa sa kasagsagan ng operasyon.
Agad dinala ang mga bata sa tanggapan ng DSWD kung saan ipinatawag ang kani-kanilang magulang upang sila’y sunduin.
Bukod dito, nakakumpiska ang awtoridad ng 23 motorsiklo na walang kaukulang dokumento at dinala sa impounding area ng pulisya.
Idiniretso naman sa Parañaque City Police ang 80 pang indibiduwal para sa kaukulang disposisyon. (Bella Gamotea)